Huling Paalam

(Pahiram po ng titulo Dr. Jose Rizal✌)
 Karamihan ng mga naging entry ko dito ay tungkol sa pagkakaibigan. Mas marami yung tungkol sayo. Sobra ang pagpapahalaga at pagtitiwala ko sa’yo bilang kaibigan at kapatid na din kung ituring ko. Magpapakabitter na kung kabitteran man ang tawag sa lahat ng sama ng loob ko sa’yo. Isinumbat mo sa akin ang lahat, sabi mo lahat binigay mo, ako lang ang hindi marunong magpasalamat at makuntento sa mga ginagawa mo. Pero ni minsan ba naisip at nakita mo din ang mga ginagawa ko bilang kaibigan mo? May katotohanan ba lahat ng mga sinasabi at ipinangako mo? Bakit ramdam ko lang ang halaga ko pag wala ka ng ibang malapitan? Wala ka ng ibang makapitan? Hanggang doon na lang ba ang halaga ko? Tuwing mag-isa ka tsaka mo maiisip na nandito ako.  

Naging mabait ako sa lahat ng mga mahal mo hindi ko isinumbat yun kahit kinuwestyon mo. Bakit ginagawa ko yun? Alam mo namang kasama ka sa mga rason ko. Dahil sa’yo, para sa’yo.  

Sa lahat ng iyon, ni hindi ko naisip na eto lang pala ang gagawin mo. Ginawa mong isyu ang akala ko’y maayos nating natapos na gulo. Hindi na ako magpapagamit pa sa’yo. Masama na ako kung yun ang tingin mo. Hindi ko naman ikinakaila yun, maldita ako at mapagtanim ako ng galit ko. Eto na ang huling pagsusulat ko tungkol sayo. Kakalimutan ko ang pangalan mo at lahat ng tungkol sayo, pagkatapos nito. Ipinagpapasalamat ko na sinaktan mo ko ng ganito, magiging sobrang matatag ako at ipakikita ko sayo na kaya kong ayusin ang buhay na sinira mo. Paalam sa huling pagkakataon, inakalang kaibigan!

Pagtalikod

Masakit man ang gagawin mong ito, sa huli alam mong kaligayahan mo din ang nakasasalalay dito. Hindi na tama ang gabi-gabing pag-iyak at araw-araw na umasa na magiging maayos ang lahat. Tumingin sa paligid maraming bagay pa magiging dahilan para muling sumilay ang isang matamis na ngiti sa iyong mga labi. Matutong bigyang halaga at irespeto ang sarili. Magpasalamat sa mga tao at bagay na nasa paligid mo pa at matutong maging masaya para sa mga wala na.  

Tumalikod at maglakad patungo sa bago at mas makabuluhang buhay. 

St. Therese of Lisieux 

Happy Feast Day, The Little Flower!
St. Therese, the Little Flower, please pick me a rose from the heavenly garden and send it to me with a message of love. Ask God to grant me the favor I thee implore and tell Him I will love Him each day more and more. 

ATE

​Mali Pa Rin Ang Aking Akala 

Mahal kong Ate,

 Akala ko okay na, 

akala ko masaya na

Ganun pa din pala, 

mali pa rin ang aking akala.

 Alam ko namang hindi ako ang pinakamatalik mong kaibigan

Matagal mo nang sinabi at inamin mo ng harap harapan

Kuntento naman ako na maging pangalawa

Pero mali pa rin pala ang aking akala.

 Pinaniwalaan ko ang mga sinabi mong malapit pa mo pa rin akong kaibigan

Na kailangan ko lang bigyan ka pa ng pagkakataong mapatunayan

Ngunit sa mga sinasabi mo 

Napagtanto kong, pangatlo na pala ako.

Mali pa rin ang akala ko.

 Hindi naman kita masisisi kung ayaw mo sa akin

Pero sana iwasan mo akong paasahin.

Higit sa pagiging kaibigan, ate kita kung ituring

Kahit na ako ay iyong balewalain

Isang text o tawag mo lang 

Handa pa rin ako kung ako ay iyong kailanganin.

 Nasasaktan ako sa mga pangako mo

Lahat ng yun pinaniniwalaan ko

Ngunit sadyang iba na ang buhay mo

Malungkot man pero tanggap ko

Na hindi na ako kailangan sa ginagalawan mong mundo.

 Isa na lamang ang aking hiling

Maging tapat ka lang sa akin

Kung ayaw mo na akong kaibiganin

Iyong sabihin at handang ako lumayo ng walang anumang daing.

 Nagmamahal,

Ang kaibigan mong mali pa rin ang akala.  

Kapit Pa!

Pagkakaibigang nabuo sa kakaibang paraan, pamilya na nga kung tayo ay magturingan. Pero bakit ganun? Sa tuwina’y kayang kaya mo akong saktan. Hindi ako nagmamalinis dahil ilang beses ko din naman kayong sinaktan, pero patuloy kong binabago ang lahat para lang sa inyo’y maging sapat. Nakakapagod, nakakasama ng loob, galit ay namumuo at di ko na alam kung ano pa ang susunod. Patuloy akong kumakapit dahil mahal ko kayo, pamilya ang turing ko sa mga mahal ninyo. Patuloy kong ipapaalala sa aking sarili…
KAPIT PA! KAPIT PA! 
Para sa pagkakaibigan nagbigay ng tunay na ligaya.
#friendship

Mag-Isa

Mag-isa kong haharapin ang kinabukasan. 
Mag-isa kong tatanawin ang pagsikat at paglubog ng araw. 
Mag-isa kong iaangat ang sarili mula sa pagkakalubog sa putikang aking kinasadlakan. 
Mag-isa kong tatahakin ang daan patungo sa kaunlaran. 
Mag-isa kong aakuin lahat nga kamaliang aking pinagdaanan. 
Mag-isa kong ihihingi ng kapatawaran lahat ng aking kasalanan. 
Mag-isa man ako sa lahat ng ito, alam kong magagawa ko. 

EDSA Trenta 

​Ika tatlumpong anibersaryo ng EDSA ngayon. Habang ako’y nanonood ng isang programa bilang paggunita sa mga naging pangyayari hindi ko rin maiwasang maalala ang aking kabataan. Maaaring dalawang taong gulang lamang ako noong mangyari ang EDSA ngunit sa aking paglaki namulat din ako sa kung ano ang naging dahilan at ano ang kalayaang dala nang isang mapayapang rebolusyon. Habang nag aaral naging interesado ako sa kasaysayan ng bansa. Naging paborito kong asignatura ang Sibika at Kultura na kalaunan ay naging Heograpiya Kasaysayan at Sibika. Ngayon habang pinapanood ang paggunita sa Martial Law at EDSA bumabalik din sa aking alaala ang aking kabataan. Tumatanda na nga ako dahil pamilyar ang mga taong nagsasalita tungkol sa mga kaganapan noong panahong iyon. Sila ang mga taong noong bata ako ay madalas kong makita sa mga balita, sila ang mga taong madalas kong kinakabisa ang mga pangalan para sa mga pagsusulit sa eskwelahan. Sana ang mga kasalukuyang kabataan ay makita din kung ano ang kanilang mga pinaghirapan at kung gaano kahalaga ang mga ganitong uri ng kasaysayan. 

(late post)

BoseS

Image

Batsilyer ng Agham sa Pangmadlang Komunikasyon yan ang kursong aking tinapos. Mahigit walong taon na ang nakakaraan ng tanggapin ko ang Diploma bilang patunay ng aking pagtatapos. Sa loob ng apat na taon sa kursong iyon may mga pagkakataong umaayaw ako, muntik-muntikan na ding sumuko, lumagpak sa ilang pagsusulit at nawawalan ng pag-asa kapag may mga bagay na hindi nagagawa ngunit apat na taon ko ding sinubok at pinagtagumpayan na malagpasan lahat ng pagsubok ng pag aaral. Naging mahirap sa kagaya kong hindi nagsasalita at nagsasabi ng nararamdaman ang ilang asignatura sa JOURNALISM. Ang PR o Public Relations at Advertising ay dalawa sa mga pinakamahirap na pinagdaanan. Marunong akong makisama, oo pero hindi ako ang sinasabing ma PR. Hindi ako ganun ka malikhain at hindi ako masyadong mahilig gumamit ng mga mabulaklaking salita sa aking pagsusulat. Isa sa mga propesor ang nagsabi sakin na para akong si Ariel ng ‘The Little Mermaid” na hindi nakakapagsalita simula ng nagkapaa. Sa ngayon naiisip ko na oo maaring ganun nga ako hindi nakakapagsalita pero di ba si Ariel nung huli naibalik din ang boses? Ako? kelan ko kaya mahahanap ang aking boses? Mananatili na lamang ba akong walang boses sa paningin ng iba? Pero hindi ba’t mas maganda kung katulad ni ‘Ariel’ eh manumbalik din ang boses ko?